Saturday, August 14, 2010

PRELIMINARYO

 
“Marahil, balang araw, kapag ang gusaling paaralang ito na ngayon ay itinatayo, ay gawa na, at sa pagdating ng panahon dahil sa katandaan, pagkatapos dumaan ang maraming kasawian ay bumagsak at magkadurug-durog dahil sa hampas ng Kalikasan (lindol at bagyo) o sa mapanirang kamay ng tao, at sa ibabaw ng mga guho ay tumubo ang mga baging at damo; pagkatapos, kapag pinawi na ng panahon ang baging at damo, at napulbos na ang mga guhong bato at ikalat ng hangin ang kanyang mga abo at malimutan na sa mga pahina ng Kasaysayan ang alaala tungkol sa kanya at sa mga taong sa kanya ay gumawa, na matagal nang nalimot ng tao; marahil, kapag ang mga lipi ay nangalibing na at nawala na kasama ng balat ng lupa, ISANG ARAW AY ILALABAS MULA SA MATITIRANG BATO ANG MGA LIHIM AT TALINHAGA, kung matamaan ng panghukay ng isang minero ang bato, dahil sa  hindi sinasadyang pagkakataon.

Jose Rizal



KABANATA 1 - ANG PAGHAHANAP SA KASAYSAYAN NG PAARALAN

Ang Paaralan

Limang daang metro mula sa silangan ng poblacion ng Indang, Cavite, matatagpuan ang isang institusyong pang-edukasyon na sa maraming  pagkakataon ay nagpalit ng pangalan at antas ng kaalaman na ipinagkakaloob nito sa kaniyang mga mag-aaral. Noong 1994, ang paaralan na tinatawag pa na Don Severino Agricultural College (DSAC) ay ipinahayag ng Kagawaran ng Edukasyon  bilang sentro sa pang-rehiyong pagtuturo at pagsasaliksik pang-agrikultura sa Katimugang Katagalugan.  Sa kasalukuyan, tinatawag na itong Cavite State University (CvSU) at kinikilala bilang pangunahing pamantasan ng estado sa Rehiyon ng CALABARSON.  Inaandukha niya sa kapanahunang ito ang isang matayog na bisyon na makalikha ng mga mag-aaral na may kakayahan na makibahagi at humarap sa mga hamon ng pandaigdigang kompetisyon.

KABANATA 2 - KALIGIRANG PANG-KASAYSAYAN

Ang Bayan ng Indang

    Ang mga bayan sa lalawigan ng Cavite ay historikal na hinahati sa dalawang magkaibang topograpikal na katangian. Ang mga bayan na mula sa hilaga patungong kanlurang bahagi na nakaharap sa dalampasigan ng look ng Maynila ay tinatawag na lowland at ang mga bayan sa katimugan ay tinatawag na upland.  Ang upland Cavite ay nagsisimula sa gulugod ng mga kabundukan ng Tagaytay at dumadausdos na pahilaga, pababa sa kalagitnaan ng mataas na lupa ng Katimugang Cavite, kung saan matatagpuan ang bayan ng Indang. Ang hangganang bayan ng Indang ay ang mga sumusunod: sa hilaga ang Naic; hilagang silangan, Lungsod ng Trece Martires at bayan ng General Trias; sa hilagang kanluran, ang bahagi ng bayan ng Maragondon; sa kanluran ay ang Alfonso; sa silangan  ang Amadeo; at sa timugan ang Mendez at bahagi ng Lungsod ng Tagaytay. May layo na na 56 na kilometro patungo sa lungsod ng Maynila sa pinakamaikling ruta na Indang–Trece Martires. Mayroong lawak na 100.2 kilometro kuwadrado, binubuo ng 36 na barangay.  Ayon sa pinakahuling senso sa taong 2007, ang populasyon ay umaabot sa 60,755. 


KABANATA 3 - PANIMULA NG EDUKASYONG AMERIKANO SA INDANG 1900-1902

Ang operasyon ng hukbong Amerikano sa pananakop sa Cavite ay nagsimula noong kalagitnaan ng 1899 at bumagsak ang lalawigan sa mga unang buwan 1900.  Sa nabanggit na panahon, pansamantalang napasailalim ang Indang sa pamahalaang militar ng mga Amerikano. Kaugnay sa pananakop ay nagtalaga ng isang detachment ng mga sundalong Amerikano sa bayan na nakaugnay naman sa iba pa nilang mga kasamahan sa pamamagitan ng istasyon ng telegrapo na ginamit nila para sa mabilisang paghingi ng saklolo sa anumang pagsalakay ng mga gerilya sa Katimugang Cavite. 

Ang Edukasyong Amerikano Para sa Pilipinas

Sa taong 1900 nagsimula ng gawain ang Ikalawang Komisyon ng mga Amerikano sa Pilipinas na pinamumunuan ni William H. Taft. Ang komisyon ay gumanap sa gawain ng pamahalaang sibil, lupong pambatasan at tagapagpaganap ng pamahalaang insular ng mga Amerikano sa Pilipinas....

KABANATA 4 - UNANG TAON NG PANGANGASIWA NI MR. CHARLES JOHN ANDERSON SA EDUKASYON NG INDANG 1903-1904

C. J. Anderson Bago Maitalaga sa Indang

Ang humalili kay J. M. Krauss sa pangangasiwa sa edukasyon ng Indang ay si Mr. Charles John Anderson. Sa mga Thomasites sa kapanahunang iyon, si Anderson ay itinuturing na isa sa mga potensiyal na guro ng Kawanihan. Ipinanganak noong Enero 9, 1879 sa bansang Sweden at mula sa pagkabata ay nanirahan sa Estados Unidos. Sa ulat ng Harvard College, siya ay naninirahan sa 67 Smith St., Quincy, Massachusetts, nag-aral sa Quincy High School at nagtapos ng kursong Bachelor of Arts noong Hunyo 1900 sa Harvard College. Bago siya marekluta sa pagtuturo sa Pilipinas ay mayroon na siyang isang taon karanasan sa pagtuturo.

KABANATA 5 ANG PANIMULANG TAON NG INTERMEDIA NG INDANG 1904-1905

Ang Rasyonal sa Pagtatayo
ng mga Paaralang Intermedia

Hindi maiiwasan na ipagtaka nang mga mambabasa kung ano ang kahalagahan ng paaralang intermedia sa ginagawang pagtalakay sa pag-aaral na ito. Ito ay dahilan sa nakagisnan na ng ating henerasyon ang kaayusan ng paaralang elementarya na binubuo ng dalawang magkabukod na kurso – ang primarya mula sa Grade I hanggang III at ang intermedia mula Grade IV hanggang VI. Subalit sa mga unang dekada ng edukasyong Amerikano ito ay magkaiba at ang mga gusaling paaralan ay magkaiba. Higit na makikita ang kawalan ng isang paaralang elementarya sa unang dekada ng pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas sa ginawang panayam sa dating Thomasite na si Mrs. Maud Jarman noong October 22, 1955:

Q. Tell me about your experience in Davao. Did you teach in the elementary?
A.  There was no elementary then; just primary.

KABANATA 6 – ANG PANUNUNGKULAN NI Mr. HARRY J. HAWKINS SA INTERMEDIA NG INDANG (1905-1906)

Si H. J. Hawkins
Bago Ang Panunukulan sa Indang

Si Mr. Harry J. Hawkin ay isang gurong Amerikano mula sa estado ng Missouri, USA. Nagtapos ng Bachelor of Letters sa  Christian University sa Canton, Missouri noong Hunyo 1901 at mayroong dalawang taong karanasan sa pagtuturo sa Amerika. Katulad nina Krauss at Anderson, isa rin siya sa mga orihinal na gurong Amerikano na dumating sa Pilipinas na sakay ng USAT Thomas.   Una siyang naitalaga na magturo sa pulo ng Corregidor noong 1901. Sa taong 1903, nadestino bilang supervising teacher sa Silang, Cavite. Ang distrito na kaniyang nasasakupan ay binubuo ng mga bayan ng Silang, Carmona, at Amadeo. Ang kaniyang panunungkulan sa Silang ay naging katangi-tangi dahilan sa kaniyang inisyatibo sa pagpapatayo ng ilang mga temporaryo at semi-permanenteng gusaling paaralan sa mga baryo ng nasabing bayan.  

KABANATA 7 - ANG PANGANGASIWA NI MR. CLIFTON EARL WORKMAN SA INTERMEDIA NG INDANG 1906-1908?

Si Mr. Clifton E. Workman  ang nangasiwa sa paaralang intermedia ng Indang sa pag-alis ni H. J. Hawkins. Ayon sa internet isang entry sa internet ay lumilitaw ang isang entry ukol sa isang nagngangalang Clifton Earl Workman na ipinanganak noong Disyembre 29, 1878 sa Brinkhaven, Knox Co., Ohio.  Si C. E. Workman ay narekluta mula sa Estados Unidos. Sa tala ng serbisyo sibil ay naitalagang magturo sa Pilipinas noong Hunyo 21, 1905.  Unang nadestino sa Indang at sumahod ng panimulang suweldo na P2,400 bawat taon

Sa ipinadalang e-mail ng mga inapo ni Mr. C. E. Workman sa nagsasaliksik ay ito ang nilalaman:


KABANATA 8 - ANG PANGANGASIWA NI MR. HENRY WISE SA INTERMEDIA NG INDANG 1908-1911

Si Henry Wise Bago Manungkulan sa Indang

Ang humalili kay Mr. C. E. Workman bilang principal sa intermedia ng Indang ay si Mr. Henry Wise. Hindi matiyak ang mga paunang mga taon ng kaniyang buhay, maliban sa siya ay naitalaga sa serbisyo ng pamahalaang insular ng mga Amerikano sa Pilipinas bilang guro noong Setyembre 5, 1901.  Naglingkod na supervising teacher sa bayan ng Bacnotan, La Union. Ang kaniyang asawa na si May Swanson Wise ay narekluta sa serbisyo ng Kawanihan noong Nobyembre, 1901 mula sa South MacAlester Ind. T. at nakasama ni Henry Wise sa pagtuturo sa paaralang sentral sa bayan ng Bacnotan, La Union. Ang dokumentadong tagumpay ng distrito ng Bacnotan sa ilalim ng pamumuno ni Henry Wise ay nang ito ay isa sa mga napagkalooban ng medalyang ginto sa ginanap na St. Louis Exposition noong 1904.

Basahin ang kabuuan

KABANATA 9 - ANG PANAHON NG PANUNUNGKULAN NI MR. JOSEPH A. COCANNOUER SA INTERMEDIA NG INDANG 1911-1915

Si Joseph A. Cocannouer ay nagmula sa angkan ng mga magsasakang Olandes na nandayuhan sa Amerika sa mga unang taon ng ika-19 na siglo. Ipinanganak noong Enero 6, 1883, sa Shelby, Illinois. Pansamantalang nanirahan sa estado ng Kansas, kung saan namatay ang kaniyang ama.  Napalipat sa estado ng Oklahoma at dito ginugol ang malaking panahon ng kaniyang kabataan bil¬¬ang katulong ng ina sa pagsasaka sa pook rural sa nasabing estado. Nag-aral sa Oklahoma Agricultural and Mechanical College at pagkatapos ng isang taon na aktwal na pag-aaral sa OA&M ay nagturo sa paaralang bayan sa kanilang sariling lugar. Pagkatapos ng isang taong pagtuturo ay nagbalik sa OA&M upang kumuha ng kursong normal. Sa mga panahong iyon ay pinagtuunan niya ng pansin ang araling pagsasaka, kasabay ng wikang Latin upang maunawaan ang mga mahahalagang sulating pang-agrikultura sa nabanggit na matandang wika. Samantalang nag-aaral sa OA&M, si Cocannouer ay narekluta na magturo sa Pilipinas.

KABANATA 10 - GUILLERMO A. BAYAN Ang Bayaning Guro sa Intermedia ng Indang

Magmula sa pagkakatayo ng intermedia ng Indang hanggang sa pag-alis ni Joseph Cocannouer ay tila lumilitaw na ang mga principal na Amerikano lamang ang nagpatakbo ng paaralan. Subalit sa panahon ng panunungkulan ng mga principal na Amerikano ay nandoon sa kanilang likuran ang mga gurong Pilipino na naglingkod sa paaralan na rito ay isa si Guillermo Bayan.

KABANATA 11 - ANG ADMINISTRASYON NI Mr. MARIANO MONDOÑEDO (1915-1919)

Sa taong 1915, pinairal ni Gobernador Heneral Francis Burton Harison ang patakarang Pilipinisayon sa mga tanggapan ng pamahalaan. Layunin nito na mailagay ang mga Pilipinong mayroong kakayahan sa mga mahahalagang posisyon sa pamahalaan, lalo na sa bahagi ng edukasyon. Direktang nasaksihan ng mga mamamayan ng Indang ang implikasyon ng patakarang Pilipinisasyon sa pagkakatalaga kay Mr. Mariano Mondoñedo bilang unang principal na Pilipino ng Indang Farm School noong 1915. 


KABANATA 12 - ANG PANUNUNGKULAN NI MR. SIMEON MADLANGSAKAY

Si Mr. Simeon Madlangsakay ay tubong Silang, Cavite. Isinilang noong Enero 5, 1888. Ang kaniyang ama ay si Nicolas Madlasangsakay ng Silang,  ang gurong ayundante na nakasama ni Guillermo Bayan sa pagpapasimula ng himagsikan sa Cavite noong 1896. Ang kaniyang ina ay si Merced Fajardo ng Imus, Cavite.  Si Mr. Simeon Madlangsakay ay isa sa mga unang mag-aaral sa lalawigan na nagtapos ng pagkaguro sa Philippine Normal School. Sa talaan ng serbisyo sibil ay kabilang na siya sa mga gurong insular noong 1911.

KABANATA 13 - ANG MGA NAGING GURO SA INTERMEDIA NG INDANG 1904-1927

Ang Pagtunton sa Mga Naging
Guro ng Intermedia ng Indang

    Mula 1904 hanggang 1909 ay madaling magawa ang pagkakasunod-sunod ng mga gurong Amerikano sa intermedia ng Indang subalit walang matiyak na bilang ng gurong Pilipino na naglingkod rito. Ito ay dahilan sa mga pangkalahatang estadistika lamang ang ibinibigay ng kawanihan ng edukasyon sa kanilang mga pag-uulat.

    Sa taong 1904 hanggang 1905 ay natural lamang na wala pang pangangailangan ng malaking bilang ng mga gurong Pilipino sa intermedia ng Indang dahilan sa noon lamang nagsisimula ang kurso. Sa pagdating ng 1905 hanggang 1906 ay napabilang si Felisa Mercado sa mga guro na nagturo sa intermedia. Sa taong 1907-1908 ay napasok si Mr. Guillermo Bayan sa Indang at nalipat naman si Felisa Mercado sa Amadeo.


Basahin ang kabuuan

KABANATA 14 - ANG MGA NAGSIPAGTAPOS SA INTERMEDIA NG INDANG

Ang kabanatang ito ay naglalaman ng ginawang pahapyaw na pag-aaral ng nagsasaliksik sa mga naging kontribusyong panlipunan ng mga nagsitapos sa intermedia ng Indang magmula sa taong 1927 hanggang 1928.  Ginamit sa pag-aaral na ito ang listahan mula sa souvenir program ng Don Severino Agricultural College na inihanda ng Buhay Committee noong 1967. Mula rito ay gumawa ng pag-aaral ang nagsasaliksik mula sa mga nilimbag na materyal ng Unibersidad ng Pilipinas at Philippine Normal School, lumang pahayagan, magasine, iba pang mga records ng pamahalaan at ang pakikipanayam sa mga matatandang mamamayan ng Indang.

EPILOGO


          Ang pag-unawa sa unang yugto ng kasaysayan ng Cavite State University bilang isang paaralang intermedia sa kaniyang unang yugto ng eksistensiya ay magiging susi upang maintindihan ang mga panimulang kalakaran sa paglitaw ng mga kasalukuyang kolehiyo at unibersidad sa Pilipinas.   Tandaan na ang mga unang paaralang intermedia na naitayo ay bahagi ng paaralang panlalawigan. Ito ay mayroong sariling gusali at higit na maluwang na lupa na hiwalay sa paaralang primarya ng bayan na kinatatyuan nito. Sa paglipas ng mga panahon, ang mga paaralang sentral ng mga bayan ay naging ganap na elementarya na nagtuturo ng kursong primarya at intermedia. Sa integrasyon ng primarya at intermedia sa ilalim ng paaralang elementarya ay nagkaroon ng vacuum sa ilang mga pioneer intermediate school. Ang ilan sa kanila ay naging purong paaralang elementarya, katulad ng Tondo Intermediate School na naitatag noong 1903 bilang una o pilot intermediate school sa Pilipinas ay kilala na ngayon bilang Isabelo de los Reyes Elementary School. Sa lalawigan ng Cavite, ang Imus Intermediate School na ang klase ay pinasimulan noong 1905 at nagkaroon lamang ng bukod na gusali noong 1911ay kilala na lamang ngayon bilang Cayetano Topacio Elementary School.


Basahin Ang Kabuuan