Saturday, August 14, 2010

PRELIMINARYO

 
“Marahil, balang araw, kapag ang gusaling paaralang ito na ngayon ay itinatayo, ay gawa na, at sa pagdating ng panahon dahil sa katandaan, pagkatapos dumaan ang maraming kasawian ay bumagsak at magkadurug-durog dahil sa hampas ng Kalikasan (lindol at bagyo) o sa mapanirang kamay ng tao, at sa ibabaw ng mga guho ay tumubo ang mga baging at damo; pagkatapos, kapag pinawi na ng panahon ang baging at damo, at napulbos na ang mga guhong bato at ikalat ng hangin ang kanyang mga abo at malimutan na sa mga pahina ng Kasaysayan ang alaala tungkol sa kanya at sa mga taong sa kanya ay gumawa, na matagal nang nalimot ng tao; marahil, kapag ang mga lipi ay nangalibing na at nawala na kasama ng balat ng lupa, ISANG ARAW AY ILALABAS MULA SA MATITIRANG BATO ANG MGA LIHIM AT TALINHAGA, kung matamaan ng panghukay ng isang minero ang bato, dahil sa  hindi sinasadyang pagkakataon.

Jose Rizal



KABANATA 1 - ANG PAGHAHANAP SA KASAYSAYAN NG PAARALAN

Ang Paaralan

Limang daang metro mula sa silangan ng poblacion ng Indang, Cavite, matatagpuan ang isang institusyong pang-edukasyon na sa maraming  pagkakataon ay nagpalit ng pangalan at antas ng kaalaman na ipinagkakaloob nito sa kaniyang mga mag-aaral. Noong 1994, ang paaralan na tinatawag pa na Don Severino Agricultural College (DSAC) ay ipinahayag ng Kagawaran ng Edukasyon  bilang sentro sa pang-rehiyong pagtuturo at pagsasaliksik pang-agrikultura sa Katimugang Katagalugan.  Sa kasalukuyan, tinatawag na itong Cavite State University (CvSU) at kinikilala bilang pangunahing pamantasan ng estado sa Rehiyon ng CALABARSON.  Inaandukha niya sa kapanahunang ito ang isang matayog na bisyon na makalikha ng mga mag-aaral na may kakayahan na makibahagi at humarap sa mga hamon ng pandaigdigang kompetisyon.

KABANATA 2 - KALIGIRANG PANG-KASAYSAYAN

Ang Bayan ng Indang

    Ang mga bayan sa lalawigan ng Cavite ay historikal na hinahati sa dalawang magkaibang topograpikal na katangian. Ang mga bayan na mula sa hilaga patungong kanlurang bahagi na nakaharap sa dalampasigan ng look ng Maynila ay tinatawag na lowland at ang mga bayan sa katimugan ay tinatawag na upland.  Ang upland Cavite ay nagsisimula sa gulugod ng mga kabundukan ng Tagaytay at dumadausdos na pahilaga, pababa sa kalagitnaan ng mataas na lupa ng Katimugang Cavite, kung saan matatagpuan ang bayan ng Indang. Ang hangganang bayan ng Indang ay ang mga sumusunod: sa hilaga ang Naic; hilagang silangan, Lungsod ng Trece Martires at bayan ng General Trias; sa hilagang kanluran, ang bahagi ng bayan ng Maragondon; sa kanluran ay ang Alfonso; sa silangan  ang Amadeo; at sa timugan ang Mendez at bahagi ng Lungsod ng Tagaytay. May layo na na 56 na kilometro patungo sa lungsod ng Maynila sa pinakamaikling ruta na Indang–Trece Martires. Mayroong lawak na 100.2 kilometro kuwadrado, binubuo ng 36 na barangay.  Ayon sa pinakahuling senso sa taong 2007, ang populasyon ay umaabot sa 60,755. 


KABANATA 3 - PANIMULA NG EDUKASYONG AMERIKANO SA INDANG 1900-1902

Ang operasyon ng hukbong Amerikano sa pananakop sa Cavite ay nagsimula noong kalagitnaan ng 1899 at bumagsak ang lalawigan sa mga unang buwan 1900.  Sa nabanggit na panahon, pansamantalang napasailalim ang Indang sa pamahalaang militar ng mga Amerikano. Kaugnay sa pananakop ay nagtalaga ng isang detachment ng mga sundalong Amerikano sa bayan na nakaugnay naman sa iba pa nilang mga kasamahan sa pamamagitan ng istasyon ng telegrapo na ginamit nila para sa mabilisang paghingi ng saklolo sa anumang pagsalakay ng mga gerilya sa Katimugang Cavite. 

Ang Edukasyong Amerikano Para sa Pilipinas

Sa taong 1900 nagsimula ng gawain ang Ikalawang Komisyon ng mga Amerikano sa Pilipinas na pinamumunuan ni William H. Taft. Ang komisyon ay gumanap sa gawain ng pamahalaang sibil, lupong pambatasan at tagapagpaganap ng pamahalaang insular ng mga Amerikano sa Pilipinas....

KABANATA 4 - UNANG TAON NG PANGANGASIWA NI MR. CHARLES JOHN ANDERSON SA EDUKASYON NG INDANG 1903-1904

C. J. Anderson Bago Maitalaga sa Indang

Ang humalili kay J. M. Krauss sa pangangasiwa sa edukasyon ng Indang ay si Mr. Charles John Anderson. Sa mga Thomasites sa kapanahunang iyon, si Anderson ay itinuturing na isa sa mga potensiyal na guro ng Kawanihan. Ipinanganak noong Enero 9, 1879 sa bansang Sweden at mula sa pagkabata ay nanirahan sa Estados Unidos. Sa ulat ng Harvard College, siya ay naninirahan sa 67 Smith St., Quincy, Massachusetts, nag-aral sa Quincy High School at nagtapos ng kursong Bachelor of Arts noong Hunyo 1900 sa Harvard College. Bago siya marekluta sa pagtuturo sa Pilipinas ay mayroon na siyang isang taon karanasan sa pagtuturo.

KABANATA 5 ANG PANIMULANG TAON NG INTERMEDIA NG INDANG 1904-1905

Ang Rasyonal sa Pagtatayo
ng mga Paaralang Intermedia

Hindi maiiwasan na ipagtaka nang mga mambabasa kung ano ang kahalagahan ng paaralang intermedia sa ginagawang pagtalakay sa pag-aaral na ito. Ito ay dahilan sa nakagisnan na ng ating henerasyon ang kaayusan ng paaralang elementarya na binubuo ng dalawang magkabukod na kurso – ang primarya mula sa Grade I hanggang III at ang intermedia mula Grade IV hanggang VI. Subalit sa mga unang dekada ng edukasyong Amerikano ito ay magkaiba at ang mga gusaling paaralan ay magkaiba. Higit na makikita ang kawalan ng isang paaralang elementarya sa unang dekada ng pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas sa ginawang panayam sa dating Thomasite na si Mrs. Maud Jarman noong October 22, 1955:

Q. Tell me about your experience in Davao. Did you teach in the elementary?
A.  There was no elementary then; just primary.

KABANATA 6 – ANG PANUNUNGKULAN NI Mr. HARRY J. HAWKINS SA INTERMEDIA NG INDANG (1905-1906)

Si H. J. Hawkins
Bago Ang Panunukulan sa Indang

Si Mr. Harry J. Hawkin ay isang gurong Amerikano mula sa estado ng Missouri, USA. Nagtapos ng Bachelor of Letters sa  Christian University sa Canton, Missouri noong Hunyo 1901 at mayroong dalawang taong karanasan sa pagtuturo sa Amerika. Katulad nina Krauss at Anderson, isa rin siya sa mga orihinal na gurong Amerikano na dumating sa Pilipinas na sakay ng USAT Thomas.   Una siyang naitalaga na magturo sa pulo ng Corregidor noong 1901. Sa taong 1903, nadestino bilang supervising teacher sa Silang, Cavite. Ang distrito na kaniyang nasasakupan ay binubuo ng mga bayan ng Silang, Carmona, at Amadeo. Ang kaniyang panunungkulan sa Silang ay naging katangi-tangi dahilan sa kaniyang inisyatibo sa pagpapatayo ng ilang mga temporaryo at semi-permanenteng gusaling paaralan sa mga baryo ng nasabing bayan.